Tatak-Pilipino: Mga Sagisag ng Lakas at Kahinaan

  1. Ulam

Adobong Republika

Chopsuey na pulitika

Walang kanin sa mesa.

 

  1. Balikbayan box

Bunga ng puso’t bisig

Para sa iniibig

May nakaambang bikig.

 

  1. Galunggong

Dala-dala’y galunggong

Ng kandidatong gunggong

Pain sa masang gutom.

  1. Dyipni

Lansangang usad-pagong

Demokrasyang paurong

Kaylan tayo susulong?

  1. Papel de Manila (Manila Paper)

Isang tabula rasa

Yaring bawat umaga

May sinag ng pag-asa.

 

  1. Haluhalo

Magkakaibang sangkap

Nagkaisa’t nagsikap

Hatid ay saya’t sarap.

  1. Karaoke

Dinig ng buong mundo

Lakas ng mikropono

Ako ay Pilipino!!!

____

Lahok para sa Kategoryang Tula sa Saranggola Awards 2015.

Saranggola 336x280

tgeek2dp2dmcirotarylionhearttv

HALIKA, PILIPINO!

P – Pakinggan ang tinig ng liping Malayo sa dibdib

A – Animo alingawngaw ang pagnanasang makilala sa daigdig

G – Gaya ng mga naunang agila sa himpapawid

Y – Yaman itong itatawid, sa sangkapuluan ihahatid.

A – Ang wikang itinanghal nina Plaridel, Balagtas, Quezon at Santos

M – May aliw-iw at indayog, ningning at antas, samyo at agos

A – Ang wikang ibinantayog nina Lola Basyang, Rio Alma at Ka Amado

N – Nananalaytay sa ugat, dumadaloy sa dugo

I – Itinampok  nina Rizal at laksang nagsindi ng sulo

N – Nagdudugtong ng mga pusod sa magkakaibang pulo.

*****

A – Ang Wika nga ay biyaya ng Maykapal sa sanlibutan

T – Tunay na kapangyarihan sa  malayang kamalayan!

*****

M – May mga panahong tayo ay nawawaglit

A – Ang katutubong dila’y namimilipit sa banyagang pilantik

H – Hunyangong talipandas sa kayumangging pag-iisip

A – Anong laking kahibangan, kataksilang di malirip!

L – Likong paniniwalang dayuhang dila para sa kaunlaran

I – Imbes na pagyamanin ang Wikang sarili’t di hiram

N – Nasaan ang kaisipan at katauhan ni Juan?

*****

N – Nais kong gisingin ang mga damdaming nahihimbing

A – At papaglakbayin. At payakapin. Sa mga Musa ay pahalikin.

T – Tatagos sa Hiraya, sa daluyong ng Kagandahan

I – Ito’y banyuhay na magbubunyi, sa rurok ng katuparan

N – Na siyang araw ng pagsilang ng mga bagong sugong makabayan.

*****

A – Ang Wikang Filipino ay may tamis na paanyaya

N – Nanghahalinang ipahayag, pag-ibig sa tinubuang lupa

G – Gawing apoy at sandata, alab ng puso at ningas ng diwa.

*****

W – Walang alinlangan, walang patumangga, ilapat sa paglikha ng akda

I – Ipagpatuloy na payabungin, kapit-bisig na adhika

K – Kaunlaran at kasarinlan, pag-asa at pagkakaisa

A – Ang bayan ay susulong – Sining at Kultura ay minumutya

N – Natupad na pangarap ng mga bayani ng nagdaang dantaon

G – Gaya ng bukang-liwayway pagkatapos  ng  gabing lipos ng himatong.

*****

F – Filipino ang aking wika, Pilipinas ang aking bansa

I – Isang puso, isang dugo, isang kaluluwa, isang diwa

L – Linangin natin ang binhing ipinunla ng kahapon

I – Igalang ang kayamanang pamana ng panahon

P – Pambansang wikang ihahandog sa susunod na salinlahi

I – Isasaboy na patunay, dangal ng liping kayumanggi

N – Nais kong sama-sama, hawak-kamay nating ipagsigawan

O – O, kaysarap maging Pilipino, sa buhay at kamatayan!

_____

Lahok para sa kategoryang tula ng Saranggola Blog Awards.

Saranggola 336x2802dmcitgeek2dp2imove2kw2peba

TALAMBUHAY NG ISANG TAHANAN

Iniluwal ang isang tahanan

Mula sa pag-iisang dibdib ng mga haligi at yero

Sa pulotgata ng semento at bato

Sa pagniniig ng mga kahoy at pako

Sa yakap ng mga dingding, kindat-silip ng mga bintana at pintong bukas-sarado.

Unang ipinasok ang Bibliya habang nakapila ang bigas, asin at asukal

Ang dalawang pinag-isa’y patnubayan nawa ng Maykapal.

Lumikha ng teatro ang kama, unan at kumot

Nagtanghal ang mga hubad na kaluluwa, saksi ang mga saplot

Sa pagbilog ng buwan, sa paghilab ng tiyan

Nagsayaw ang mga lampin sa sampayan

Yumakap sa mga haligi ang magiting na duyan

Habang tinatanaw ng tsupon sa paminggalan

Ang dalawang pinag-isa’y nadagdagan!

At nadagdagan,

At nadagdagan!

Naging lima ang plato, naging lima ang sepilyo

Lumaki ang kaldero, dumami ang baso

Sumibol ang mga laruan –  manika at trumpo

Umusbong ang mga lapis, papel, bag at libro

Nag-ingay ang kusina, humalakhak ang sala

At ang palikuran, mistulang lansangang abala

Mga naghahabulang tsinelas, kanya-kanyang sukat

Sa bawat sulok ng silid, mga emosyong nagkalat.

Numipis ang pitaka, lumalim ang bulsa

Hanggang sa basagin ang huling alkansiya

Dumaan ang ulan, nagkabutas ang bubong

Nagparamdam ang lindol, nagkaguhit ang sahig

Datapwat ang tahanan ay nanatiling matatag.

Subalit ang tatag ay tuluyang sinubok

Sa pagitan at palitan, ng orasan at kalendaryo

Haligi’y nagkaanay, nalulong sa alak at sigarilyo

At napundi ang ilaw, sa huling pisi’y bumitaw.

Lumipad ang mga pinggan patungo sa sala

Lumipad ang plorera patungo sa kusina

Lumipad ang mga damit patungo sa pintuan

Kasunod ang maletang nagpadausdos sa hagdanan

Ng pangako at sumpa.

Ang dalawang pinag-isa’y muling nahati sa dalawa.

Kailan uuwi si Tatay? ang tanong ng bunso

Mahal po ba siya? ang tanong ng gitna

Kaya n’yo bang magpatawad? Ang tanong ng panganay

Kinapa ang pusong ilang gabing sakbibi ng lungkot at lumbay.

Minasdan ang litrato ng kasal na nakasabit sa dingding

Muling binalikan ang binitawang sumpa.

Habambuhay. Magkapiling.

Iniluwa ng pinto ang amang nakaluhod, tangan ay bulaklak

Tumakbo ang inang agad na yumakap

At muling nasaksihan, Pag-ibig na ganap!

Isa-isang humalik, nagpaalam ang mga taon

Isa-isang nagpakilala, kumupas ang mga mukha sa telebisyon

Ang mga luma at bago

Ang mga dati at uso

At ang mga larawan sa dingding ay saksi ng di maiiwasang pagbabago.

Nadagdag sa pedestal ang mga litratong nakatoga

Kasunod din ang mga larawang naka traje de boda

Lumipas ang panahon

Naglakbay ang karanasan

Naglayag ang buhay.

Lumikha ng sariling kaharian ang panganay

Nagtayo ng sariling palasyo ang gitna

Sumama sa kanyang bana ang bunso

Hanggang ang ingay ay unti-unting nawala

Sa munting tahanang sa kanya rin nagmula

Lumipad na ang mga inakay mula sa pugad

Habang ang dalawang pinag-isa’y naiwang malugod na nakatanaw.

Malungkot ang ngiti ng pustiso sa baso

May luhang pumatak sa salaming may grado

Ang gamot sa tokador ay may pait na anyaya

Habang nakasalampak sa mga tumba-tumba

Magkahawak-kamay na binabalikan

Samu’t saring salamisim, alaala ng nakaraan

Mumunting karanasang hinahagilap ng ulyaning diwa

Hatid ng dapithapon, pira-pirasong gunita.

Panaka-nakang dalaw ng bunga ng mga bunga

Pasilip-silip na bisita ng mga pamilyar na mukha

Kaybilis lumipas ng panahon

Mga kahapon at sandaling kaya sanang isilid sa garapon.

Ang kanyang kariktan na sadyang iniluwal

May pagtatapos na di maiwasang daratal

Mga hiningang hiram, nakatakdang mapigtal

Marami pang bukas, kaya pa bang sagutin ng dasal?

Gayong ang dalawang pinag-isa’y nakatadhana ring magpaalam

Sa isa’t isa at sa tahanang bantayog ng kanilang pagmamahalan.

Muling pagyamanin, nagkasundo ang mga supling

Ang lumang tahanan, muling pagandahin.

Bilang ugat. Bilang pugad.

Bilang kanlungan. Bilang alaala.

Ipinanganganak bang muli ang isang tahanan?

O nagbibihis lang siya ng bagong umaga?

Mula sa pag-iisang dibdib ng mga haligi at yero

Sa pulotgata ng semento at bato

Sa pagniniig ng mga kahoy at pako

Sa yakap ng mga dingding, kindat-silip ng mga bintana at pintong bukas-sarado.

Muling pumasok ang Bibliya habang nakapila ang bigas, asin at asukal

Ang pamilya ng bunso’y pagpalain nawa ng Maykapal.

____________

Lahok na tula para sa Saranggola Blog awards.

Saranggola 336x280

dmci homes logo

Kamao

Panalo pa rin ang pagsuko.
Panalo pa rin ang pagsuko.

Kanina ay ngiti habang sakay ng ulap
Kahapon ay mga bituing nilalaro sa mga palad
Kamakalawa ay taguring walang katulad
Ang kinang, ang tanyag, ang halakhak.

Karamay ang laksang nakiamot sa tagumpay
Ang miron, ang banal, ang panatiko’t walang malay
Lahi at bandilang sa panulukan, winagayway.
Lahat ay sumakay, lahat ay sumabay.
Sa kamaong sumuntok sa suntok-sa-buwang pangarap
Sa tadhanang iginuhit ng bangis, ng liksi, ng tatag, ng tikas
Sa pagbayubay ng mga labang nangyari sa loob at labas ng arena
Naukit ang magiting na bayani, ng de-kalibreng mandirigma
At ang mga araw ng digma, ay mga araw ng paglaya
Ng kalsadang naghahabol, ng mga gawaing buhol-buhol
Iisa ang puso, iisa ang bulong, mga matang nakatutok
Sa gintong kamaong milyon ang kinakabig, hinahakot.

Nilakbay ang mundo ng mga buwitreng nakabarong
(Gayong di kailangan ng posisyon sa pagtulong)
Tinawid ang kalsadang tinatahak ng mga payaso
At ang kamao’y naging mukha ng musika at telebisyon
Ng samu’t saring patalastas hanggang ang salawal
Ay maging billboard sa EDSA.

Datapwat nadulas, nahulog sa ulap
Mistulang trosong, nabuwal at bumagsak
Hinagkan ang lonang ipinahalik din sa kalaban
Ipinalasap ang lasa ng pait ng karanasan
Na nagpapaalalang lahat ay may hangganan.
Hindi lahat ng oras ay anihan.
Hindi lahat ng panahon ay tag-ulan.
Lahat ay may pagkakataong mapasa-ilalim
Sa siklo at ikot
Sa laro at gulong
Nitong tadhana at kaganapan.

At ang mga kamaong bumibira’t sumusuntok
Ngayon nga ay magkadikit, nakatutop
Sa presensiyang hindi nakikita ng ilan
Sa kapangyarihan at relasyon sa kanilang pagitan

May laban sa sariling arena
May duwelo ang ugat at bunga

Ng tagumpay sa pagsuko

Ng pagsuko ng tagumpay

Upang sa huling tunog ng kampana at dambana
Ang lahat nga ay sadyang nakatalaga
Sa huling tawag ng timbang at husga
Ng saysay ng buhay at halaga
Ng hiningang saglit na pinahiram ng Panginoong Maylikha.

___

larawang hiram sa Yahoo images

Sagwan Patungo sa Kaunlaran

Sagwan pa, Pinoy! Sagwan pa!!!

Kulang pa ang tulak, bitin pa ang hagod

Huwag mong pansinin ang kalyo mong kamay

Huwag mong isipin ang butas na balangay

Huwag mong dibdibin ang dambuhalang alon.

Sagwan pa, Pinoy! Sagwan pa!!!

Kulang pa ang tulak, bitin pa ang hagod

Ang kalyo mo’y gawing agimat

Ang butas na balangay, gawin mong inspirasyon

Ang dambuhalang alon, gawin mong ilusyon.

Pasasaan ba’t uusad

Pasasaan ba’t aangat

Pasasaan ba’t dadaong din

Sa dalampasigan at lupa

Sa unlad at rangya

Sagwan pa, Pinoy! Sagwan pa!!!

 *********

Habang ginagawa ko yung tula, naisip ko tuloy yung tulang “Like a Molave” ni Rafael Zulueta da Costa noong high school. Ang sarap isapuso. Punong-puno kasi ng pag-asa. Eto yung paborito kong linya at madalas kong hinihiram kapag gumagawa ng talumpati.

Not yet, Rizal, not yet.
The glory hour will come.
Out of the silent dreaming,
From the seven thousand fold silence,
We shall emerge, saying, WE ARE FILIPINOS,
And no longer be ashamed.

Sleep not in peace,
The dream is not yet fully carved.
Hard the wood, but harder the blows.
Yet the molave will stand;
Yet the molave monument will rise.
And gods will walk on brown legs.

**********

Siyangapala, kuha ang litrato noong magbakasyon kami sa Cebu noong Hunyo 2011. Binalak kong isali sa Saranggola Blog Awards pero sa hindi malamang dahilan, nagpasya na akong huwag na lang. Ayun. Magandang araw, at tuloy-tuloy lang ang pagsagwan!!!

Ang Paglalayag ng Balangay

Patuloy na naglalayag ang balangay ni Juan

Sa pagsagwan sa dagat ng kaunlaran

Sa rutang itinatak ng mga dambuhalang

Nagpadala ng mga robot sa buwan.

Limampung sagwan, limampung kabig-tulak,

Sampung hiyaw at apat na banat

Kasama ang di na rin mabilang

Na tabsak nitong tubig-alat.

Pagkatapos ng dantaong lagas ng kasaysayan

Pagkatapos ng pagbubo ng dugo at laman

Ng mga naunang kaluluwang nagtimon ng daan

Upang sugpuin ang kamandag ng mga buwitreng dayuhan

Ang lupon ni Juan – patuloy pa ring nakikipaglaban

Sa laya at alpas mula sa tanikalang nilikha ng iilang

Kaparis rin niyang kayumanggi ang balat.

May Indiyong lumipad sa ibayong dagat

Tiim-bagang nilisan ang butas niyang pugad

Baka sakaling sa ibang lupain

Naroon ang palay na isusubo sa mga kaawa-awang bibig.

At ang balangay ni Juan – labinlimang ulit nagpalit

ng kapitang may pangakong bukang-liwayway

sa sambayanang gutom ang sikmura at uhaw sa pagbabago

(ngunit hindi salat sa likas-yamang taglay)

Patuloy ring naghihintay ng katuparang paraiso.

Ang balangay ay inuga ng pagyanig

At itinaob ng bahang delubyo ang hatid

At inilugmok ng pagkakahiwalay, ganid at ligalig

At demokrasyang patuloy na ginigipit.

May araw na sakay ng panandaliang ulap

Ang ilang Malayong naghatid ng ngiti’t halakhak

Nagmarka ng mapa sa mundo – ng galing at tanyag.

Pag-angat – kapit-kamay na inaapuhap.

Taas-noong sumisigaw at nag-aanyaya

Upang matikman ang sarap at ligaya

Na hain at alay nitong higit pitong libong sisidlan

Na biyayang isinabog nitong kalangitan.

Dadaan ang araw, ang buwan, ang taon

At ilan pang dantaon

Ngunit ang balangay ay patuloy na maglalakbay

Gaya ng kawayang sumasayaw sa ihip ng hangin

Gaya ng kalabaw sa maputik na palayan

Gaya ng narrang sinusubok ng panahon

Gaya ng agilang pumapailanlang

At ang balangay ni Juan ay patuloy na maglalakbay

At sasagwan

At maglalayag

At gagawa ng bagong daan

Patungo sa inaasam na kaunlaran

At magdidikta ng bagong rutang patungo sa buwan.

____

Lahok sa Saranggola Blog Awards

Naaalala kita sa panyo ng El Shaddai.

Naaalala kita sa panyo ng El Shaddai
Katulad ng araw na lumaban ako sa pagsulat ng sanaysay
Pabaon ang panyo, dasal ang kasabay
Kaya naman umuwi ako sa bahay
Bitbit ang tagumpay.

Naaalala kita sa panyo ng El Shaddai
Tulad ng gabing ako’y nanlulupaypay
Dahil sa trangkasong akin noong taglay
Pinagpray-over ninyo pa nga ako ng Tatay
Kinabukasan, ayun.. ako’y buhay na buhay.

Sa panyo ng El Shaddai, kita’y naaalala
Inabot mo sa akin nang lumuwas ng Maynila
Mag-ingat sa lahat ng makakasalamuha
Mag-igi sa pag-aaral, pahabol mo pang wika.

Sa panyo ng El Shaddai, kita’y naaalala
Sa araw ng pagtatapos, ika’y lumuluha
Sa hirap ng buhay, sinong mag-aakala
Dalawa pa kami ni Ate na nag-abot ng diploma.

Sa panyo ng El Shaddai, kita’y naaalala
Nilagay mo iyun sa aking maleta
At ang tagubiling magbasa ng Bibliya
Nang ako’y mangibang-bansa doon sa Korea.

Naaalala kita sa panyo ng El Shaddai
Nang ako’y bumalik mula sa pagsisikhay
Na mabigyan kayo ng mas maayos na buhay.

Naaalala kita sa panyo ng El Shaddai
Na noo’y sa may goiter mong leeg nakalagay
Naaalala kita sa panyo ng El Shaddai
Habang ika’y nakaratay. Walang buhay.
Sumakabilang-buhay.
Na may baong panyo ng El Shaddai.

Naaalala kita, Inay
Ang haplos ng iyong kamay
Ang init ng iyong yakap
Ang boses mong malumanay.

Naaalala kita, Inay
At patuloy kong aalalahanin
Ang pagmamahal mong walang kapantay.
Salamat, Inay
Sa buhay mong sa amin ay inilaan.

Anim na taon na rin pala ang lumipas
Ngunit ang alaala mo
at Pag-ibig namin sa iyo
asahan mong hinding-hindi kukupas…

Maligayang kaarawan, Inay
Mahal na mahal kita…

Mga Laruan Sa Bayan Ni Juan

Ito ay tula para sa di na mabilang sa daliri na mga laruang nagdaan sa batang kamay

Pumurol na tirador, mga kumupas na teks at kinalawang na tansan

Palyadong trumpo at yoyong napigtas-ang-lubid

At baril-barilang umubos ng tubig at bateryang inutang pa sa tindahan

At mga guni-guning nilikha ng lupon at tau-tauhan

Sampu-samperang pangarap na inilipad sa kalawakan

Ng guryong binalangkas sa kawayan

Sa paghahabol, pagkakarera sa bangin at burol ng kawalang-malay.

Ito ay berso para sa mga kaluluwang isinilid at kinuyom sa palad ng kapalaran

Mga anino ng laruang nagpapatintero sa lansangan

At humihingi ng pantawid-gutom, pantapal-sa-kawalan

Sa butas na sikmurang hinahatidan ng langit-impyernong aroma ng rugby at usok ng sasakyan.

Ito ay pinagsugpong-sugpong na pantig para sa mga laruang

Iginagapos sa kawalang-katarungan ng bulag na hustisyang nagsakdal

Upang makipagbunong-braso sa rehas at malamig na bakal ng walang langit na kahon.

Ito ay awit na isinasalaysay para sa mga laruang

Nagising at nagrebolusyon sa kalsada upang ibagsak ang makinaryang nagluluwal

Ng idolohiyang baluktot at naglulugmok sa putikan

Upang pagkatapos ay muling dadayain at paglalaruan

Ng pwersang nasa tuktok ng tatsulok na lipunan

dala na rin ng kamangmangan at kapit sa patalim na pangangailangan.

Ito ay tugma ng sapin-saping bulong ng mga pusong laruan

At sigaw ng karanasang ibinalaybay sa kasawian at kahungkagan.

At hinaing ng mga walang lakas na kababaihang itinanghal na manika ng hayok sa laman

Ng punit-punit na bestidang inalmirol sa kumunoy ng kahihiyan.

Ito ay taludtod para sa mga laruang idinuduyan sa kabundukan

Mga tribong binubulid sa kasinungalingan ng rangya ng mina at yamang

Panandali na iniaalok ng mga buwitreng kikitil sa yaman ng lahi.

Ito ay tula para sa mga laruang makikita sa bayan ni Juan

Aling laruan ang nais mong ahunin sa lugaming kalagayan?

Ito ay saknong na isinisigaw ng bagong umalohokan

Tinig ng pag-asang magbabangon sa nalulugmok na bayan.

_____________

Subok na lahok sa patimpalak ng Saranggola Blog Awards.

Tatlong Yugto sa Buhay at Ugnayan Ng Tao At Kalikasan

 

 

Sagip-Kalikasan, Sagip-Kinabukasan

 

 

Unang Yugto: Paghanga

i

Pagsikat ng araw sa dakong Silangan

Iyong makikita biyaya at yaman

Mula kay Bathala, yaring kalikasan

Paraisong handog sa sangkatauhan.

 

ii

Luntian ang bundok at ang kaparangan

Gubat ay sagana sa puno’t halaman

Lambak at talampas, kaygandang pagmasdan

Isa itong obrang di mapapantayan.

 

iii

Singlinaw ng kristal ang tubig sa batis

Kaysarap inumin, malamig, malinis

Ang talon at lawa, sa mata’y pang-akit

Ang ilog at dagat, may pagkaing hatid.

 

iv

Ibong lumilipad dun sa himpapawid

Pati mga hayop sa lupa at tubig

Lahat ng nilalang, malaki’t maliit

Kadugtong ng buhay, kakawing, kadikit.

 

v

Malinis ang hangin, kaysarap langhapin

Wala ring kemikal ang bawat pagkain

Kay ayang mamasyal, kaygandang tanawin

Malusog na buhay ang dulot sa atin.

 

vi

May ngiti ang langit, ulap na busilak

Kalungkutan ay di mo maaapuhap

Simple man ang mundo, Eden man ay payak

Ang kaligayahan ay mahahagilap.

 

vii

Salamat, Bathala, sa mundong nilikha

Kalikasang tunay na kahanga-hanga

Patunay na puso’y lubos ngang dakila

 

 

 

 

 

 

 

Gabayan mo kami sa ‘Yong pagpapala.

 

Ikalawang Yugto: Pagkalugmok

i

Ang tao’y nalulong sa teknolohiya

Masamang epekto’y hindi alintana

Tanging nasa isip, alwan at ginhawa

Pag-unlad, pagsulong, tila makinarya.

 

ii

Naghasik ng lagim, polusyon sa dagat

Dinamita’y gamit, tinakwil ang lambat

Tuluyang kinalbo ang bundok at gubat

Nakatagong yaman, sadyang binulatlat.

 

iii

Usok na  kay itim mula sa pabrika

Buga ng sasakyan, lason sa kalsada

Bombang atomika’t nukleyar nilikha

Naging bunga nito’y dekadang sinumpa.

 

iv

Nagngitngit, nagalit,  Inang Kalikasan

Ito ba ang bayad sa handog niyang yaman?

Dapat nang kalusin, marapat husgahan

Ibalik sa tao, kanyang kasakiman.

 

v

Hindi na nga normal, panahon at klima

El Nino, La Nina, salitang pumuksa

Matinding tagtuyot, gutom na sikmura

Mabangis na ulan, sakit at pagbaha.

 

vi

Pagyanig at lindol, sa bayan gumiba

Bagyo at tsunami, lumunod sa Asya

Pagsabog ng bulkan, sunog sa Europa

Di rin pinaligtas, malalaking bansa.

 

vii

Pagsupil nga ito, sagot sa kawalan

Walang pakundangan sa paglapastangan

Ng tao sa kanyang sariling tahanan

Salinlahing sunod, anong maiiwan?

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

Ikatlong Yugto: Pagbangon

 

i

Imulat ang diwa, kamalayang himbing

Pakinggan ang tinig, sadyang nanggigising

Dakilang pagkilos, atin ngang tugunin

Sagip-kalikasan, banal na mithiin.

 

ii

Nagkaisang mundo, agad tumalima

Binubugang lason, dapat masawata

Habang may panahon, itama ang gawa

Batang henerasyon, di maging kawawa.

 

iii

Magtanim ng puno, luntiang kilusan

Muling pagandahin, ang kapaligiran

Basura’y ilagay sa tamang tapunan

Nang di maging bikig sa agos ng ulan.

 

iv

Simulang tipirin, lakas-enerhiya

Tubig at dagitab, langis, gasolina

Magbanat ng buto, payak na paggawa

At di palaasa sa teknolohiya.

 

v

Sikaping bawasan bagay na patapon

Linisin, gamitin, basyong lata’t kahon

Mag-aral tuklasin, yamang nakabaon

Iba nilang gamit, hanapin sa bunton.

 

vi

Munting mga hakbang man kung tutuusin

Kung lahat gagawa ating kakayanin

Ating ipamana, sagradong hangarin

Tao-Kalikasan ay mag-inang turing.

 

vii

Hawak-kamay tayong suungin ang bukas

Pangalagaan nga itong yamang likas

Dasal at pagkilos sa mundong ibabaw

Buti’y mamalagi, paglubog ng araw.

 

____________________________

Para sa pakikilahok sa Saranggola Blog Awards ni Sir Bernard. Para na rin sa honeymoon sa Boracay, hehehe. Magustuhan ninyo sana ang mga tula.

Imahe mula sa deviantart.com

Hungkag

Waiting_by_techoverideHinahanap ko ang kasalukuyan
sa mga gunita ng nakalipas
Pilit binibigyang kahulugan
ang alaalang hinabi ng kahapon.
Bakit nga ba mahirap hagilapin
ang ngiting inanod ng ulan?
Magbabalik pa ba ang
bahagharing ipininta sa kalawakan?
Salitang binitawan,
Pagtalikod, pamamaalam…
Sumabay na sa hangin ang aking kamalayan.
Ano ang ngayon sa paghahagilap?
Gayong ang mundo’y nawala sa orbit nitong tahak
May piping dasal sa gabing mapanglaw
Inuulit na bulong sa nakikiramay na buwan
Pakiusap, Pakiusap….
Ibalik mo ang aking kahulugan….

_________
pic from deviantart