MULING PAGSILANG

Kung gaano kabanayad ang paglapat ng mga sinag ng araw ng bagong umaga sa kagubatan ng Marinlag, tila mga isinabog na mga bubog ng kristal naman ang mga ito kapag humahalik sa pisngi ng tubig ng Bugtong Alon Falls.

Banayad din ang mga hakbang ng mga taong patungo sa talon, na para bang binibilang ang mga batong inaapakan. Tahimik ang kanilang kilos na para bang isang tao lang silang gumagalaw. Lahat sila – mapababae at lalaki ay nakasuot ng puting damit at puting pangbaba. Napapakislot ang karamihan habang unti-unti silang lumulusong sa napakalamig na tubig.

Tumigil sila kung saan ang tubig ay singtaas ng kanilang baywang. Bumuo sila ng bilog na pormasyon, naiwan sa gitna ang dalawang nilalang. Ang isa ay lalaking may edad, maputi ang buhok at balbas, madaling mabatid na pinaka-pinuno ng pangkat; ang isa ay lalaking kimi, nagugulumihanan sa mga nangyayari.

Itinaas ng pinuno ang kanyang dalawang kamay. Umawit ang mga nakapaligid. Makalangit ang kanilang tinig, masarap pakinggan ang gintong himig kasabay ng mga huni ng ibon at lagaslas ng tubig.

Ipinatong ng pinuno ang kanang kamay sa ulo ng lalaki at nanalangin. Dalawang lalaki ang humawak sa magkabilang balikat ng lalaking kimi. Itinulak ng pinuno ang ulo nito palubog sa tubig hanggang sa tuluyang malubog ang buong katawan.

Sa ilalim ng tubig, gusto nang iangat ni Ruben ang ulo upang makalanghap ng hangin. Nakikita niya ang malabong repleksyon ng mga kasama. Gusto niyang makahinga. Ibinubuga niya ang mga naiinom na tubig. Ayaw na niya. Buong lakas siyang nagpumiglas ngunit mas malakas ang hawak sa kanya ng mga kamay. Kinakapos na siya ng hangin. Unti-unti siyang nawawalan ng lakas. Nanghihina na siya. Hindi na siya makahinga.

Sa itaas ng tubig, buong puwersa nilang pinipigilan ang pagpupumiglas ni Ruben. Maligalig ang mga kilapsaw ng tubig. Lumakas ang tinig ng koro, nag-ingay na rin ang mga ibon. Ang mga huni nila ay hindi mapakali.

Ilang minuto pa, natigil ang pagpupumiglas. Muling itinaas ng pinuno ang kanyang dalawang kamay.

“Magalak tayong lahat! Muling isisilang ang bagong kapatid!” deklarasyon ni Apostol Solomon.

Tumigil ang awit. Nanumbalik ang pagkinang ng kristal na tubig.

********

Kung gaano kabanayad ang kilos sa simula ng ritwal, kabaligtaran naman ang kilos nila ngayon. Mabilis na mabilis ang kanilang mga galaw. Binuhat ng dalawang lalaki ang katawan ni Ruben at iniahon sa batuhan. Dali-daling tumakbo ang pinuno palapit sa walang malay, alam na alam ang gagawin, tila may background sa mga ganitong sitwasyon. Kaagad siyang nagsagawa ng CPR (Cardiopulmonary resuscitation). Pump sa dibdib. Buga ng hangin sa bibig. Paulit-ulit.

Ilang beses pa nitong inulit ang CPR habang nakapalibot sa kanya ang mga kasama. Lahat sila ay humahanga sa ginagawa niya. Magkakayakap ang ilang mga babae. Tahimik naman ang mga lalaki. Lahat sila, iisa ang ipinapanalangin. Dahil kung tutuusin, dumaan na rin sila sa ganitong ritwal ng bawtismo. Lahat sila ay naputulan ng hininga, at nakaranas ng panandaliang kamatayan. Muli silang isinilang dala ang kaligtasan ng kaluluwa.

Subalit, lahat sila ay nagtataka at kinakabahan ng mga sandaling iyun. May katagalan ngayon ang pagsasalba ng apostol. Napansin nilang paulit-ulit at paulit-ulit ang ginagawa nitong pagsi-CPR.

“Mga minamahal, ikinalulungkot ko, hindi nakamit ni Ruben ang kaligtasan. Hindi siya nararapat na muling isilang. Iyan ang pasya ng Banal na Ama,” kalmadong pahayag ni Apostol Solomon.

Nagulat ang lahat. Ngayon lang ito nangyari sa kanilang samahan.

Nanginginig na napaluhod ang may edad na babae. Napaiyak. Ito ang una sa humigit-kumulang na limampung beses na ritwal ng bawtismo. Ito ang una sa humigit-kumulang na sampung taon ng kanilang simbahan. Nalilito siya kung paano ito tatanggapin.

Nakapatay sila. Sinadya ba nila? Subalit… kusang loob na sumama si Ruben. Walang pagpupumilit.

Nakapatay sila. Aksidente ba ang nangyari? Pero… kitang-kita niya kung paano nagpumiglas si Ruben kanina. Wala isa man sa kanilang nagbago ng isip, walang nagdalawang-isip.

“Huwag kayong matakot o mangamba. Ang lahat ay itinakda. Ang lahat ay may dahilan. Ipinapaalala ng araw na ito, mga minamahal, na kayo nga ang mga tinawag. Mapapalad kayo, aking mga minahal, sapagkat hindi lahat ay maliligtas” pangaral ng apostol.

Gaya ng dati, tumango ang buong kapatiran. Buo ang loob na sumang-ayon sa sinabi ng apostol, walang pag-aalinlangang tinanggap ang tinuran.  

Maliban kay Luisa, ang babaeng may edad na nanginginig pa ring lumuluha at nakaluhod sa batuhan. Hindi siya tumango.

Nagtama ang tingin nila ng kanyang asawa. Naglaban ang kanilang mga titig.

Sa isip ni Luisa: kailangan niyang supilin ang kanyang asawa. Hindi na tama. Hindi na tama.

Sa isip ni Apostol Solomon: kailangan niyang supilin ang kanyang asawa. Babae ka, Luisa, magpasakop ka.

Napaso si Luisa sa kabila ng lamig ng hanging dumadampi sa basang katawan. Kayang manuot ng tinig ng apostol (bagaman hindi ito nagsalita) sa kanyang kaibuturan. Natunaw ang tatag ng bintana ng kanyang kaluluwa.

Nasa isip niya lang ba o talagang nasa ilalim siya ng kapangyarihan ng kanyang asawa?

*****

“Ang kapangyarihan ng Banal na Ama ay kapangyarihan ng Banal na Anak. Kinausap ako kagabi ng Kataas-taasang Banal,” panimulang sermon ng apostol. “Nais niyang muling ipakita ang kanyang kadakilaan sapagkat nagsisimulang magkaroon ng lason ang inyong mga isipan.”

Batid ni Luisa na siya ang pinariringgan ng sermon. Ilang linggo pagkatapos ng nabigong bawtismo kay Ruben, hindi pa rin nawawala sa kanya ang bulong ng konsensya. Walang nagreport sa kinauukulan sa pagkamatay ni Ruben. Ni walang ritwal sa paglibing dahil kung tutuusin naman daw ay hindi naging pormal na kaanib si Ruben dahil hindi ito muling naisilang.

Naglakad palayo sa pulpito ang apostol. Lumapit sa lamesitang may sisidlang buri, tinanggal ang takip at kinuha ang isang ahas. Itinaas niya ito ng kaliwang kamay habang hawak naman ng kanan ang mikropono. Nagsimulang maglilikot ang ahas at pumulupot ito sa kamay ng apostol.

“Sinasabi sa Mark 16:18, Sila’y magsisihawak ng mga ahas, at kung magsiinom sila ng bagay na makamamatay, sa anomang paraan ay hindi makasasama sa kanila.”

Patuloy siya sa sermon habang namamangha ang buong kongregasyon ng Kabanal-banalang Kataas-taasang Kaharian ng Ama. Ilang ulit na nilang nasaksihan ang pagpapakitang-gilas ng kapangyarihan ng apostol sa kanyang mga alagang ahas, kaya naman lubos ang kanilang paniniwalang may kakaibang kapangyarihan talaga ang kanilang pinuno.

Patuloy sa pagpulupot ng ahas sa katawan ng apostol. Nakarating ang ulo nito sa kanang kamay at sinagpang ang mga daliring may tangang mikropono. Napakislot, napangiwi at napapikit ang nagsesermon. Ramdan niya ang sakit ng tuklaw ng ahas sa kanyang hinlalaki. Nabitawan niya ang mikroponong may mga tulo ng dugo. Natalsikan din ng dugo ang kanyang puting sutana.

“Ay, Mahal na Apostol!” nahintakutang bulalas ng dalagang nakaupo sa unahan ng simbahan. Napahawak ito sa kamay ng katabing si Luisa.

“Huwag kayong mag-alala, mga minamahal,” tumingin ang apostol sa dalaga. “Hindi pababayaan ng Banal na Ama na mapahamak ang Banal na Anak.”

Itinaas nito ang kanang kamay na may tumutulong dugo. Lumapit sa kanya ang dalawang lalaking assistant niya. (Sila rin ang mga lalaking tumutulong sa kanya sa ritwal ng bawtismo at iba pang banal na gawain ng samahan.) Pinagtulungan nilang alisin ang pagkapulupot ng ahas sa katawan ng apostol at muling inilagay sa sisidlang buri.

Naglakad ang apostol pabalik sa pulpito. “I have the power to trample the snake and scorpion. I will overcome.” Inilabas nito ang isang puting bato mula sa nakatuping puting panyo na may mga dasal. Pinunasan niya ng panyo ang sugat sa daliri. Napuno ito ng dugo. Hinalikan niya ang puting bato at nagsimulang ikiskis sa sugat. Umusal ng dasal sa wikang Latin. Dumikit ang bato sa sugat. Ilang sandali ay natigil ang pagdurugo ng sugat kasabay ng pagkalaglag ng bato sa sementadong sahig. Pinulot ito ng apostol at binalot ng panyo.

“Purihin ang Banal na Ama,” sigaw ng apostol.

“Purihin ang Banal na Ama,” sabay-sabay na wika ng buong kongregasyon.

“Purihin ang Banal na Anak,” sigaw ng apostol.

“Purihin ang Banal na Anak,” sabay-sabay na wika ng buong kongregasyon. Tumayo ang mga ito at nagpalakpakan. Umawit ang koro ng samahan, hudyat na natapos na muli ang isang sagradong Sabado ng kanilang pagsamba.

Lumapit silang lahat at humalik sa kamay ng apostol.

*****

Lumapit ang magandang dalaga at humalik sa pisngi ng apostol. Siya ang dalagang katabi ni Luisa kapag araw ng pagsamba.

Nasa loob sila ng bahay-kubo na tahanan ng Banal na Anak, katabi mismo ng simbahang yari sa kawayan. Nakaupo ang apostol sa mahabang upuan at nagbabasa ng Bibliya. Agad nitong niyakap ang dalaga at kinandong.

“Kumusta ang mahal kong anak?” tanong nito sa dalaga.

“Mabuti naman po, Mahal na Apostol,” sagot ng dalaga na nakapulupot ang mga kamay sa leeg ng ama, “Katatapos lang naming magturo sa mga bata. Mamayang gabi po ay magpapraktis naman kami ng mga bagong awitin sa simbahan, pagkatapos po ng Council meeting.”

Nasa ganoon silang ayos nang dumating si Luisa, may dalang basket.

“Napaka-sweet n’yo namang mag-ama,” dire-diretso sa kusina ang bagong dating. Hindi man lang humalik sa asawa. “Sabel, halika, sumunod ka sa akin at tulungan mo akong magluto ng hapunan.”

Agad tumalima ang dalaga at pumasok sa kusina. Lumabas naman ng bahay si Solomon at pumunta sa simbahan kung saan naghihintay ang ilang mga kasapi ng samahan.

“Anak, dalaga ka na, hindi ka na dapat kumakandong sa iyong ama,” si Luisa habang inilalabas ang mga gulay at manok sa basket, “heto, magbalat ka ng papaya, gagawa tayo ng tinola.”

Kinuha ni Sabel ang kutsilyo, tumigil sandali at matalim na tumingin kay Luisa.

“Paborito ako ng Mahal na Apostol,” matapang na sagot ng dalaga, “hindi ko kasalanan kung maging malayo sa iyo ang damdamin ng Banal na Anak.”

Lumapit sa kanya si Sabel, nakatutok ang kutsilyo. Napaurong si Luisa at napasandal sa lababo.

Muling humakbang palapit si Sabel. Natakot siya sa inasal ng dalaga. Diyata’t may balak yata siyang patayin nito.

Magkadikit na ang katawan ng dalawang babae. “Tumabi ka….Inay.” Madiin ang pagkakasabi niya ng salitang Inay. 

Nahihintakutang tumabi si Luisa. Kinuha ni Sabel ang sangkalan sa lababo. Ngumiti.

Nanginginig na lumabas ng kusina si Luisa. Narinig pa niya ang sinabi ng dalaga.

“Ako na ang gagawa ng mga ito.”

*****

Hindi pa rin makapaniwala si Luisa sa nangyari, nanghihina siyang umupo sa kawayang papag. Tumatakbo pa rin sa isip niya ang mga salitang binitawan ni Sabel. Tumabi ka, Inay. Ako na ang gagawa ng mga ito.

Alam niyang mariin ang pagkasabi ni Sabel sa salitang Inay, tila may pangungutya. Tila nang-aasar. Malayo sa pagkakasabi niya ng Inay nang una nila itong kupkupin sampung taon na ang nakararaan, ipinaampon sa kanila ng mag-asawang may kinseng anak. Malayo ang ugali nito sa batang itinuring niyang sariling dugo at laman.  

Wala silang anak ni Solomon. Si Luisa ang may problema. Siya ay isang tigang na lupa na di kayang magpunla.  Bagay na isinusumbat sa kanya ng asawa sa loob ng 25 taong pagsasama. Bagay na tinanggap niyang kakulangan at nagtulak sa kanya na gawin ang lahat, huwag lang iwan ng asawa. Pagkukulang na nagtulak sa kanya para maging sunod-sunuran, magpakaalipin, magpaalila. Pagkukulang na nag-udyok sa kanya upang maging bulag sa mga ginagawa ng asawa. Kaya nga, minsan napapaisip siya. Si Solomon ba ang sumupil sa kanya o ang sarili niya mismo ang sumupil sa sarili? Kailan ba nawala ang boses niya para sumalungat sa mga gusto ng asawa?

Si Sabel ang sagot sa kanyang pagiging baog, ang nagparamdam sa kanya kung paano maging ina. Ang tanging nakapagpapasaya sa kanya sa kabila ng pagiging alila sa asawa. Si Sabel ang anak na nagpuno sa kakulangan niya bilang asawa, bilang babae.

Kaya’t hindi niya malubos maisip, paanong ang maamo at masunurin niyang bunso ay hindi na niya nakikilala.

*******

Hindi pa man sila magkakilala, nauna na siyang nahalikan ni Solomon. Ang nangyari kasi, nalunod siya nang minsang nag-swimming ang pamilya nila sa Pagsanjan Falls sa Laguna. Kaya ang buhay niya ngayon ay pangalawang buhay. Matagal na siyang muling isinilang.

Ang mukha ng guwapong binata ang una niyang nakita pagdilat ng mata. Nakalapat ang labi sa labi niya. Hindi naman niya nasampal dahil noong mga panahong iyun, para pa siyang nakalutang at hindi alam ang nangyayari sa paligid. Si Solomon noon ay isang medical student, na nagswimming lang din kasama ang barkada, ang siyang nagperform ng CPR sa kanya.

Siya ang kauna-unahang nailigtas ni Solomon. Kaya lalong tumibay ang paniniwala nitong maging doktor – tagapagdugtong ng buhay.

Kaya bago pa naging Banal na Anak, bago pa naging Apostol, si Solomon na ang kanyang beloved saviour, ang kanyang tagapagligtas.

******

Hindi pa man sila magkakilala ni Luisa, ang binatang Solomon ay isa ng mananampalataya.

Pananampalatayang hinahanap niya kung saan-saan. Naging deboto siya ng Sto. Nino, naging choir sa El Shaddai. Nagpabawtismo sa isang Baptist Church. Sumama sa kaklaseng miyembro ng Iglesia ni Kristo. Naging church worker ng isang Born Again Church. Nakipagkwentuhan sa mga misyonaryong Mormons at Jehova’s witness. Nahumaling sa mga aral at bidyo ng Dating Daan. Hanggang hindi na niya malaman kung alin ang tamang daan.

Lalong lumalim ang kanyang ispirituwal na paglalagalag nang maging mailap ang pagiging doktor. Hindi niya maipasa ang licensure exams kahit ilang ulit pa siyang sumubok. Ilang taon siyang nagsunog ng kilay kahit na noong naging magkasintahan hanggang naging mag-asawa sila ni Luisa. Mabuti na lang at suportado sila ng magulang sa pinansyal na pangangailangan.

Walang nagawa si Luisa nang magpasya siyang umuwi sila ng Antique. Kailangan nilang umuwi dahil walang mag-aalaga sa lolo ni Solomon. Sa kanya nakuha ni Solomon ang puting batong nakapaloob sa puting panyo na may dasal na Latin.

Kaya si Solomon na may sapin-saping paniniwala sa relihiyon, na may masidhing pagnanasang maging tagapagdugtong ng buhay, na may kaalamang naipon mula sa mga medical books, na may kakaibang karunungang pamana ng lolong faith healer ay naging Banal na Anak sa Kabanal-banalang Kataas-taasang Kaharian ng Ama.

Sa dami ng nabasang bersyon ng Bibliya, sa dami ng nabasang libro, hindi kataka-takang mahusay magsalita ang apostol. May hatak ang kakisigan kaya naging madali ang paghikayat sa mga taong nasa kabundukan. May karismang kayang magkumbinse sa mga taong ialay sa kanila ang ani at kabuhayan.

Si Apostol Solomon ay maraming alam sa Bibliya, kayang magpagaling ng mga maysakit, makapagdugtong ng buhay ng mga nalulunod, makapagtunaw maging kamandag ng ahas.

******

Malamig ang tinginan nilang mag-asawa sa kabila ng mainit na sabaw ng tinola. Hindi komportable si Luisa sa mga tinginan at hawakan ng kamay ng asawa at ng anak. Si Luisa ang nahihiya. Hindi siya makapagsalita.

Pagkatapos ng hapunan, sinabihan silang mag-ina na pumunta sa simbahan. Nagtataka si Luisa dahil kailan man ay hindi naging bahagi ang mga babae sa Council Meeting.  Dahil gaya ng parating sermon, ang babae ay walang karapatan sa pulpito. Bawal magshorts at pantalon, bawal magpaiksi ng buhok. Ang mga babae ay kailangang parating magpasakop sa mga lalaki. Hindi maaaring magdesisyon. Bawal mamuno. Tagasunod lamang.

Binanggit ni Solomon ang buhay nina Abraham at Sarah, kung paanong sa kabila ng katandaan ay biniyayaan ng anak na si Isaac. Akala ni Luisa ay sasabihin nitong naniniwala siyang magkakaanak pa rin sila kahit lagpas singkwenta na.

“Kaya’t ipinadala ng Banal na Ama sa Banal na Anak ang isang handog. Ipinadala niya ito sampung taon na ang nakararaan upang ipagpatuloy ang lahi.”

Idinugtong pa ang mga biblical characters na maraming asawa gaya ng kapangalan nitong si Haring Solomon na may 700 wives.

Napakunot-noo si Luisa. Isang kwentong biblical na naman ang binabaluktot ng asawa niya. Tumatango lang ang Council of Elders. Ngumingiti naman si Sabel.

Nanlumo si Luisa. Hindi makapaniwala sa naririnig, kung paanong ang kinse anyos na ampon ay nagdadalantao at ang ama ng nasa sinapupunan ay ang mismong itinuring niyang ama. Hindi siya makapaniwalang sinang-ayunan ito ng council. At nagkasundong sa isang bahay sila titira, siya bilang unang asawa ang mag-aalaga sa buntis na pangalawang asawa.

Galit ang namayani kay Luisa. Poot sa walanghiyang asawa. Galit sa samahang kinaaniban. Poot sa ampong si Isabel. Higit sa lahat, galit sa sarili dahil sa kawalang boses. Hindi man lang siya nagsalita.

******

Mabigat ang mga paang tinungo ni Luisa ang kanilang likod-bahay. May limang ahas na inaalagaan ang kanyang asawa na may kanya-kanyang tangkal. Pakakainin niya ang mga ito ng mga manok na offering ng ilang mga kaanib.

Hindi mapigilang maluha ni Luisa. Dati, natatakot siya sa mga ahas ngunit natutunan niya rin kung paano sila pakainin, paano ilipat sa mga sisidlang buri mula sa mga tangkal. Dati, natatakot siyang lumapit man lang sa pag-aakalang mamatay siya sa tuklaw ng ahas.

Nagsisikip ang dibdib ni Luisa. Hindi lang pala ang asawa niya ang nag-alaga ng ahas. Siya rin pala. Natutunan niyang mag-aruga, magpakain, magtirintas ng buhok ng isang ahas. Darating pala ang panahong ang itinuring niyang tunay na anak ang ahas na sasakmal sa kanya.

Hindi na niya kaya ang bigat. Hindi na niya kayang magtimpi. Kailangan niyang hanapin muli ang sarili. Namutawi sa labi niya, “Lumaban ka, Luisa” habang sinusuntok ang sariling dibdib. Iyak siya nang iyak.

Itinapon niya sa basurahan ang piraso ng mga manok. Maingat na inilagay sa buring sisidlan ang mga ahas. Pumasok muli sa loob ng bahay. Mahimbing na natutulog ang asawa. Si Sabel, marahil ay nasa simbahan pa at nagpapraktis ng koro.

Itinumba niya ang sisidlang buri sa bandang paanan ng nakahigang asawa. Gumapang at pumulupot ang mga ahas sa natutulog.

Ikinandado ni Luisa ang pinto ng kuwarto, pumunta sa kusina at kumuha ng gas at posporo. Lumabas at pumunta sa likod-bahay. Ibinuhos niya ang gas sa sawaling dingding, kumuha ng tatlong palito at kiniskis sa magaspang na gilid ng kahon. Tangan ang maliit na apoy, itinapon niya ito sa sawali.

“Para sa kapatid kong si Ruben….”

Nagsimulang lumiyab ang bahay-kubo. Tumakbo siya nang tumakbo sa daanang pababa ng bundok. Walang gamit o kahit anong damit na dala maliban sa puting bato at puting panyo na nasa bulsa niya.

Mula sa malayo, narinig niya ang sigawan ng mga kasapi. Naluluha-nangingiti niyang nai-imagine ang kanilang nagpa-panic na mukha habang tinatangkang iligtas ang kanilang tagapagligtas. Nagwawala na marahil si Sabel.

Tumigil siya sandali at sumandal sa katawan ng isang puno. Kinapa niya ang kanyang puso.

May katauhang nagising sa kanya. Nang mga sandaling iyun, muli na naman siyang isinilang.

______

Lahok na Maikling Kwento sa Saranggola Blog Awards 2022.

Mag-iwan ng puna