Ang Mga Bintana Ng Kanilang Mga Kaluluwa

“Sa gitna ng dilim, ako’y nakatanaw ng ilaw na kaypanglaw

Halos di ko makita, tulungan mo akong ituro ang daan

Sapagkat ako’y sabik sa aking sinilangan.”

Di mo aakalaing ang ginintuang tinig na iyun ay nagmumula sa isang dalagita sa gilid ng simbahan ng Sta. Barbara. Nakaupo siya sa isang bangkito at may hawak na gitara na parang propesyunal na mang-aawit. Nakasabit naman sa isang tungkod na nakahilig sa pader ang isang maliit na pulang bag na may tatak na “Pinay’s Grocery”. Katabi ng dalagita ang isang matandang babae na walang ngipin. May tangan itong bungkos ng sampaguita na halos kasingkulay na rin ng kanyang buhok.

Ang kumakantang dalagita ay balingkinitan at maipagpapalagay na labindalawa o labintatlong taong gulang. Maayos manamit sa kabila ng hindi maitatangging kahirapan sa buhay. Maamo ang mukha, dangan nga lamang at agaw-pansin ang kanyang mga mata – animo’y parating nagtatago ang mga itim na bilog nito.

Bulag ang dalagitang halos ilang taon na ring nanghaharana sa mga taong paroo’t parito sa naturang bayan.

Pagkatapos niyang kumanta, isang binatilyo ang pumalakpak.

“Ang galing mo talagang kumanta, Lea,” papuri ng kadarating, nakasuot ng school uniform at may sakbit na bag sa likod, “Kapag sumikat ka, huwag mo kaming kalilimutan ni Nanay Mameng, ha?” sabay mano sa matandang babae.

“Salamat, Berting, pero napakalayong mangyari nun,” sagot ni Lea. “Isa pa, sikat na singer na ako dito sa Barbara. At lalong hindi ko iiwan si Nanay,” sabay hagilap sa kamay ng ina.

“Oo nga, ikaw ‘yung star dito sa bayan, hahaha,” hirit ni Berting. “Siyanga pala, ‘Nay Mameng, isasama ko po muna ulit si Lea. Papasyal lang po kami sa burol.” Ang tinutukoy niyang burol ay makikita sa bandang hilaga ng bayan. Isang sakay ng pedicab ang layo mula sa simbahan.

“Ay sus, ano pa nga ba, e tuwing ganitong oras naman ay parati mo ‘yang inaaya,” sagot ng matanda habang nagbibigay ng sukli sa isang aleng bumibili ng sampaguita. “Salamat po, Madam.”

“Basta,” baling ulit kay Berting, “kailangang umuwi kayo bago magdilim.”

“Nay, madilim naman po parati, hihihi,” pagbibiro ni Lea.

Kinuha ni Berting ang tungkod na nakasandal sa pader at iniabot kay Lea. Binitbit ang gitara at ang pulang bag ay iniabot naman sa matanda.

At naglakad sila papunta sa sakayan ng pedicab. Hindi niya maiwasang humanga sa bulag na kababata dahil kabisado nito ang mga kanal at basurahan. Pati ang pag-ilag sa bougainvillea na lumagpas na sa bakod ng bahay ni Mrs. Montero. Kung saan liliko at kung kailan tatawid ng kalsada.

“Ang galing, no? Parang nakakakita ka talaga,” turan ni Berting pagkarating sa burol. Nakaupo sila sa damuhan.

“Natural, simula pagkabata, dinadaanan na natin ‘yung mga ‘yun. Kumbaga, nakarehistro na sila sa utak ko,” wika ni Lea at tumayo sa kinauupuan. Naglakad papunta sa isang puno ng acacia nang hindi gumagamit ng tungkod. “Tingnan mo, kaya kong ituro sa iyo ang bayan natin.”

At itinuro nga ng dalagita isa-isa ang ilang lugar sa kanila. Parang isang maestro ng orchestra na ikinumpas ang direksyon ng munisipyo at eskwelahang pinapasukan niya. Ang bahay ni Don Simeon na dating Mayor ng Sta. Barbara. Ang malawak na palayan. Ang palengke at simbahan. Pati ang lugar kung saan sila nakatira.

Lumapit sa kanya si Berting. Itinaas ang kamay niya hanggang balikat at kinabig pakaliwa. “Iyan naman ang bagong sports complex ng bayan, diyan na gagawin ‘yung mga liga ng basketbol na dati sa kalsada lang.”

“Wow, ang laki naman! Tiyak na maraming dadayo diyan.”

Napangiti si Berting sa pagkakasabi ni Lea ng Ang laki naman. Aakalain mong nakikita talaga ang itinatayong gusali.

Sabagay, ganoon naman talaga ang kababata. Sinusubukang ilarawan ang kanyang paligid. Halimbawa, ang bahay ni Don Simeon, sasabihin nitong mala-palasyo ang bahay. Ang ilang mga bata, sasabihin nitong nakakatuwa ang kakulitan, kahit pa minsan ay silang dalawa na ang pinagtatawanan. Si Father Roy, sasabihin niyang, “Father, parang hindi po tumatanda ang hitsura ninyo.” At ang pari ay gaganti ng kurot sa pisngi. Pati si Miss Cruz, ang dalagang class adviser niya, alam ni Lea kapag ito ang dumaraan dahil sa amoy ng pabango sabay bating “Good morning, Miss Cruz, ang ganda ninyo po talaga” at ang guro ay magbibigay sa kanya ng munting regalo – biscuit o tsokolate.

Ang kawalan ng paningin ay idinaraan sa tamis ng dila.

**************************

Pitong taon pa lang si Berting nang lumipat sila sa Sta. Barbara. Nadestino ang tatay niya sa bayang ito bilang isang pulis. Ayaw namang magpaiwan ng nanay niya sa Maynila. Maayos nga din naman kaysa dalawa-tatlong buwan bago niya makita ang ama.

Unang pagsimba nila sa Sta. Barbara nang makita niya ang batang si Lea. Ang bata pa ang nagtitinda ng sampaguita at ang matanda pa ang kumakanta habang naggigitara sa gilid ng simbahan. Noon pa man, alam na niyang magiging malapit ito sa kanya.

“Nay, parang hindi po yata patas ang Diyos,” inosenteng turan ni Berting pagkarating ng bahay.

“Naku, anak. Huwag mong sasabihin ‘yan,” at hinaplos ng nanay ang ulo ng anak.

“E, kasi po, bakit iba-ibang paningin ang ibinigay Niya. May isa, may dalawa, tapos kanina sa simbahan, bulag ang batang nagtitinda ng sampaguita.”

“Berting, ganito yan. Iisa lang ang pagtingin sa atin ng Diyos. Kumbaga, iba-ibang regalo lang ang ibinibigay Niya sa kanyang mga anak, nasa tao na lang kung paano niya gagamitin ang mga ito,” paliwanag ng Nanay niya.

“Hindi ko naman kayo maintindihan, Nay. Basta paglaki ko, magdodoktor ako para magamot yung mga batang may sakit sa mata,” nangangakong turan ni Berting.

Hindi nga naglaon, naging magkaibigan ang dalawang bata. Iyun nga lang, dahil bulag si Lea, hindi ito nag-aral. Nahirapang makasabay sa mga itinuturo sa klase. Tinutukso rin ng ibang bata dahil sa kakatwang kalagayan. Kaya nang matutong magbilang, pinatigil na rin ni Nanay Mameng.

Pagkagaling sa eskwela, aayain ni Berting si Lea sa pamamasyal. Paborito nilang tambayan ang burol kung saan sila magkukuwentuhan at madalas, si Berting ang bangka. Lahat ng ginagawa at pinupuntahan, detalyadong isinasalaysay sa kaibigan.

Katulad noong magpunta siya sa Enchanted Kingdom. Inilarawan niya ang bawat rides habang kumakain sila ng pasalubong niyang cotton candy. Kinarga pa niya sa likod ang kababata at nagpatakbo-takbo sa burol. Ganoon daw ang pakiramdam kapag sakay ng mga rides. Mabilis at nakakatakot pero masaya na nakakatuwa.

Katulad din noong mag-field trip ang klase nila sa pagawaan ng ice cream. Inaya niya ang kababata sa bahay nila at binigyan ng ice cream. At para mas makatotohanan, binuksan nila ang pintuan ng refrigerator habang kumakain. Tapos, ikinuwento kung paano niya naintindihan ang proseso ng paggawa ng ice cream mula sa mga sangkap at makina pati uniporme ng mga trabahante. Tuwang-tuwa naman si Lea dahil pakiramdam niya, nakarating na rin siya sa pagawaan ng ice cream.  Napagalitan lang sila ng nanay ni Berting dahil malaki raw ang babayaran sa kuryente dahil sa ginawa nila.

Isa sa pinakamasayang araw para kay Lea ay noong isama sila ng pamilya ni Berting sa bakasyon sa Matabungkay. Pupunta raw sila ng dagat kaya naman hindi siya masyadong nakatulog bago ang araw na iyun. Iniisip niya kung ano ang hitsura ng dagat. Sabi ni Berting, para raw isang malaking swimming pool. E, hindi  naman niya alam ang hitsura ng swimming pool. Nagkatawanan tuloy sila.

Kinabukasan, madaling araw sila umalis ng bahay. Alam niya iyun dahil pakiramdam niya, antok na antok pa siya. Matagal silang nagbiyahe at nagpalipat-lipat ng sasakyan. Dinig niya ang ugong ng traysikel, ramdam niya ang pagsisiksikan sa dyip at ang pakiramdan ng unang beses na pagsakay ng bus. Mas mataas at mas maayos ang pagkakaupo. Ninamnam niya ang simoy ng hanging galing sa labas ng bintana ng bus. Nakulitan din siguro sa kanya si Berting dahil sa mga tanong niya lalo pa nang marinig niyang “Ate, bili na kayo ng mani.” “Kuya, juice, tubig, baka nauuhaw kayo.” Ibig sabihin, may nagtitinda sa loob ng sasakyan? Hangang-hanga siya. Sa isip niya, malaking sasakyan ang bus na sinakyan nila. Itatanong pa sana niya kay Berting kung alin ang mas malaki, bus o eroplano kaya lang naramdaman niyang natutulog ang katabi. Kaya nga, lalo niyang napatunayan na maaga silang umalis ng Sta. Barbara.

Pagkarating sa beach, hinila kaagad siya ni Berting. Pinaiwan sa kanya ang sapin sa paa. Ramdam na ramdan niya ang kakaibang lugar na tinatapakan. Malamig at masarap sa paa. Nakakakiliti pala ang buhangin. Masarap maglakad-lakad.

Nakarating sila sa tabing-dagat. Ganoon pala ang dagat, punong-puno ng tubig. Kahit saan siya bumaling, nararamdaman niya, ang daming tubig. Pakiramdam niya, nagtatampisaw siya sa isang malaking batya. Malaking-malaking batya ng tubig.

Matapos magbabad sa dagat, nakaramdam siya ng ginaw. Inaya niyang umahon si Berting na agad namang pumayag. Kinuha sa tabing-dagat ang tungkod at iniabot sa kanya. Naramdaman niya na iniwan siya nito.

“LEA, SUBUKAN MONG TUMAKBO!” sigaw sa kanya ng kababata. Sabi na nga ba, iniwan siya ni Berting. Malayo ang agwat dahil sa lakas ng boses. “BITAWAN MO MUNA ‘YANG TUNGKOD MO!”

“HA, SIGURADO KA? NAKU, PAG NADAPA AKO, HUMANDA KA SA AKIN, BABATUKAN KITA!!!” sigaw din niya.

“PAG NADAPA KA, E, DI, BUMANGON KA AGAD. ANG MAHALAGA, MARANASAN MONG TUMAKBO SA DAGAT!”

Nagdadalawang-isip man, binitawan niya rin ang tungkod. Kinakabahan, paano nga kung madapa siya? Sa kabilang banda, ang pagtakbo ang isa sa pinakamahirap na gawain para sa kanya. Kaya, bahala na, ang mahalaga, maranasan niyang tumakbo.

Binilisan niya ang mga hakbang. Parang yung tibok ng puso niya. Pabilis nang pabilis. Hindi niya alam kung diretso ba yung pagtakbo niya. Basta, takbo lang siya nang takbo. Napapahalakhak siya na parang naiiyak. Halu-halong emosyon. Masarap palang makawala sa tungkod na naging bahagi na ng buhay niya. Ang sarap. Ang gaan sa pakiramdam. Malaya.

Nang biglang may naapakan siyang matigas na bagay. Nawalan siya ng balanse. Parang nahulog siya mula sa kasiyahang naramdaman niya kanina habang tumatakbo. Nadapa siya at naramdaman niyang humalik ang mukha niya sa buhanginan.

“LEA!!!” Sigaw ni Berting na tumatakbo palapit sa kanya. Agad siyang inalalayang tumayo.

“P’we, hindi pala masarap ang buhangin,” sabay dura ng nakaing buhangin at pinipilit tumayo. “Berting, masakit yung kaliwang paa ko.”

“Naku, nasugatan ka, Lea,” malungkot na wika nito, “Pasensya ka na, a. Dapat pala di na kita pinatakbo.”

“Berting, ano ka ba, ngayon ko lang naranasan ang ganoong pakiramdam. Ang sarap palang tumakbo nang walang iniiwasan at iniisip na masasagasaan.” Totoo iyun. Ayos lang na masaktan ang paa niya kahit pa may mainit na likido na lumalabas dito. Alam niya, gagaling naman ang sugat pero ang kasiyahan niya kanina, hindi niya iyun malilimutan.

Tulad ng inaasahan, napagalitan si Berting ng tatay niya. Napaaga tuloy ang uwi nila. Nahihiya siya kay Nanay Mameng dahil masyado niyang itinutulak si Lea sa kanyang kakayahan. Umuwi tuloy itong may benda ang paa.

Habang sakay ng bus pauwi, si Lea naman ang tulog at siya naman ang gising. Iba-ibang tanawin din pala ang di niya napansin kanina. Ang mga matataas na puno ng niyog, ang mga magsasakang nagtatrabaho sa palayan at ang mga tindahan sa bus stop. Narinig din niya ang kwentuhan ng nanay niya at ni Nanay Mameng na nakaupo sa likod nila.

Hindi pala tunay na anak ni Nanay Mameng si Lea. Nakita niya lang daw ito sa taniman ng mga sampaguita. Nakalagay sa isang kahon at inaamoy-amoy ng mga asong kalye. Pagkakita raw kay Lea, nagdalawang-isip pa siya kung kukunin dahil malaking responsibilidad ang kapalit nito, lalo pa nga at kakaiba ang hitsura ng mga mata nito. Pero nanaig naman daw ang awa niya sa bata at nagpasyang ituring na galing sa kanyang sinapupunan. Wala rin namang umako nang ipagtanong niya sa bayan.

Lalo siyang naawa kay Lea. Tiningnan niya ang kababata na nakasandig sa upuan ng bus. Nakapikit pero basa ng luha ang mga mata. Hinawakan niya ang kamay nito. At ipinangako niya sa sarili, kahit anong mangyari, hindi niya iiwan ang kaibigan.

**********************

“Nalalasahan ko ang kulay pula,” Ibinuka ni Lea ang bibig at inilabas ang dila. May isang piraso ng Nips na binili nila sa Pinay’s Grocery. Kulay pula nga!

Napabilib siya sa sarili dahil siya ang nagturo sa kababata ng iba’t ibang kulay. Minsan tama, minsan mali ang mga hula nito, pero malaking bagay na may ideya ito sa mga kulay. Ano ba ang hitsura ng kulay na pula? Sabi niya, katulad ng dugong lumabas sa kanya nang madapa sa buhanginan. Kapag masidhi ang nararamdaman. Ang asul? Katulad ng malawak na beach. Payapa ang kalooban. Kapag berde, ang damuhang tambayan. Ang pakiramdam na malapit sa kalikasan. Ang dilaw, ang kulay at init ng araw. Pag puti, ang kulay ng buhok kapag tumatanda at ang bulaklak ng sampaguita. Mabuti ang tao, maputi ang kalooban. Parang ikaw, Berting, sabi ni Lea. Ang itim? Katulad ng buhangin, katulad ng buhok niya, katulad ng gabi kapag nararamdaman na niya ang pagkaantok. Katulad ng mundo ko, hihihi, dugtong ni Lea na tumatawa pa.

Minsan, dinala niya ang mga krayolang gamit sa eskwela. Tapos, pinagdrowing niya si Lea. Kung anong mahawakang krayola, iguguhit at ikikiskis sa papel. Siya naman, naglagay ng piring sa mata. Sinubukang gumuhit nang hindi ginagamit ang paningin. Ang resulta – hindi naman pangit ang gawa nila. Kakaiba nga lang. Pero, makulay pa rin.

Simula noon, hinabi nila ni Lea ang kani-kanilang kakayahan. Niregaluhan pa niya ito ng isang kahong krayola at mga papel. Siya naman, nagpaturo ng paggigitara kay Nanay Mameng. Bumuo sila ng mundong malayo sa karaniwang bata. Malayo sa panunukso ng ilang kapos sa pang-unawa.

*******************

“Ang galing naman, sana makita ko talaga ang mga drowing mo,” panay ang papuri sa kanya ng dalagita. Nagpaalam kasi siya na pupunta ng Maynila para sa isang paligsahan sa pagguhit. Siya ang kinatawan ng paaralan nila.

“Gusto mong makita ang mga drowing ko? Huwag kang mag-alala, magdodoktor ako para ayusin natin ‘yang mata mo.”

Lumapit sa kanya si Lea, kinapa ang mukha. Pinag-aaralang maigi ang pisngi, mata, ilong at bibig.

”Di man ako makakita, nakikita ko naman ang busilak at puti mong kalooban.”

Pagkatapos ng pitong taon, nakabalik si Berting sa Maynila.  Sa isang sikat na private school ginanap ang pakontes na sinalihan ng humigit-kumulang na tatlumpung estudyante mula sa iba’t ibang bayan at paaralan. Ang paksa ng patimpalak, ANG MUNDO SA MATA NG ISANG KABATAAN.

Natapos ang isang oras, halos lahat ng mga kasali ay nakabuo ng kanya-kanyang obra maestra. Iba-ibang istilo at talagang napakahuhusay. Pagtapat ng mga hurado sa gawa niya, nagtaka sila. Walang mata yung mga taong iginuhit niya! Tiningnan siya ng mga ito, saka ngumiti. May isa pa ngang tumapik sa kanyang balikat sabay sabing kahanga-hanga ka, iho.

Umuulan nang magbiyahe sila ni Miss Cruz pabalik ng Sta. Barbara. Kalong niya ang dalawang kahong pizzang libre ni Miss Cruz. Natutuwa daw siya sa karangalang ibinigay niya sa Sta. Barbara. Habang nakaupo sa airconditioned na bus, ang dami niyang iniisip. Nag-uunahan ang mga kwentong gusto niyang ibahagi kay Lea. Ang matataas at magagandang mga gusali. Ang magagarang shopping malls. Ang abala at nagmamadaling mga tao at sasakyan. Parang ang dami-daming nangyayari sa lansangan. Magulo, nakakatakot, delikado. Parang parating may nakaambang na peligro.

Samantala, pauwi na rin sina Lea at Nanay Mameng galing sa simbahan. Malakas din ang ulan kaya sumilong muna sila sa Pinay’s Grocery. Bumili na rin ang matanda ng dalawang itlog para sa hapunan. Naririnig ni Lea na TV Patrol ang pinanonood ng mga bantay at tambay sa grocery. Tinalasan niya ang pandinig.

Dalawang bus ng BLTBCo raw ang nagbanggaan sa South Luzon Espressway. 17 ang sugatan, 12 ang patay. Binasa ng reporter ang listahan ng mga nasawi’t nasugatan.

Napasigaw si Nanay Mameng. Hinagilap ang dalagita at umatungal. Wala na si Berting, anak, wala na ang kaibigan mo, hikbi at putol-putol na salaysay ng matanda. Napaupo sa gilid si Lea, naupuan pa ang basag na itlog na nabitawan ng matanda.

Sinuong ng dalawa ang ulan. Nanlulumo nilang binaybay ang daang papunta sa bahay nina Berting. Patuloy si Lea sa pagkapa ng dinadaanan gamit ang kanyang tungkod. Binabaybay ang mundo niyang lalong binalot ng kadiliman.

***************************

Makalipas ang ilang buwan. Sa paboritong tambayan nila ni Berting. Kumakantang mag-isa si Lea habang naggigitara.

“Kung ang buhay ay isang umagang nakangiti

At ikaw ay ang lupang sinusuyo ng bituin.

Naalala niya ang homily ni Father Roy kanina.

“Katulad ni Bartimaeus, marami sa atin ang bulag sa katotohanang tanging Diyos lang ang dapat nating sandigan. Ang ating pananampalataya ang siyang nagdadala sa atin sa kagalingan ng napapagal na kaluluwa at nabibigatang katawan. Masdan mo ang iyong kapaligiran, lahat iyan ay patunay ng Kanyang kadakilaan. At araw-araw ay may himalang nagaganap. Mga pangyayaring nagpapayaman sa buhay at paglalakbay natin dito sa daigdig.”

Di mo man silip ang langit

Di mo man silip

Ito’y nandirito pa rin.

Isang malaking pagbabago ang nangyari sa buhay niya dulot ng malagim na aksidente. Ipinagkaloob ng pamilya ni Miss Cruz ang mga mata ng nasawing guro at inoperahan si Lea sa Maynila. Ginastusan iyun ng buong bayan ng Sta. Barbara sa pangunguna ni Don Simeon.

Kung ang lahat ay may katapusan

Itong paglalakbay ay makakarating din sa paroroonan

At sa iyong paglisan

Ang tanging pabaon ko ay pag-ibig.

Noong tanggalin ang benda sa kanyang mga mata, ipinakita ng mga magulang ni Berting ang isang itim na portfolio. Isa iyun sa mga una niyang nasilayan, ang mga guhit niya at ng kababata. Pero, may isang drowing si Berting na pinakanagustuhan niya.

Dalawang kabataan na nakatayo sa puno ng acacia sa burol. Hawig sa kanilang dalawa. Malalaki ang mga ngiti. At normal ang mga MATA.

 Sa pagbuhos ng ulan

Sa haplos ng hangin

Alaala mo ay nakaukit

Sa pisngi ng langit.

Kaya pala, magaan ang kalooban nila sa isa’t isa. Kaya pala, madalas silang tuksuhin kapag magkasama. Akala naman niya, idinadamay lang si Berting sa panunukso sa kanya. May kapansanan din pala sa mata si Berting. Duling pala ang kaibigan niya.


Di man umihip ang hangin

Di man umihip

Ika’y nandirito pa rin.

 Kung ang lahat ay may katapusan

Itong paglalakbay ay makakarating din sa paroroonan

At sa iyong paglisan

Ang tanging pabaon ko ay pag-ibig.”

At muling tumulo ang luha sa mga bagong bintana ng kanyang kaluluwa.

___________

Lahok na Maikling Kwento para sa Saranggola Blog Awards

25 comments

  1. hello, lipadlaya… ang galing mong maghabi ng fiction, seamless, ika nga. maganda kang tumahi. may pagka-folksy madalas ang iyong kwento, parang marami ka ring nabasang komiks noong araw, hihi… ^^ nai-imagine kong ang una mong drowings ay kubo, may bundok, may araw at may ibong lumilipad above, haha. tapos may family together na looking towards the horizon, nyehehe… kakaunti na ang mga Don Simeon yata ngayon at ang bayan ay hinahayaan na lang ang may kapansanan at tsinitsmis ang relatives nyang nagpabaya, whehehe… but it’s good to read works depicting dreams realized and members of the community coming together… kumusta? 😉

    • saliw,,, maigi at napasyal ka,, ayan, a.. medyo madami ako handa,, di tulad dati na inaagiw,, hehehe
      hmmm… ganung ganun nga ang drowing ko,, pero may square square na palayan, tapos yung tanim, parang letrang v lang, hehehe ulit…
      salamat, yan ang gusto ko sa comment mo, e. me pag-aanalisa parati.. gandang araw din…

      • hello, LL… ay, siyempre… oo, napansin ko nga, meron pang isa sa email, di ko pa nabubuksan,’yong tungkol sa anus yata… haha, hala, ang square-square na ‘yan at may palay-palay na korteng V, ganyan din ang drowings ko noong elem, hihi…

        marami ka ring nabasang Liwayway noong araw, ‘no? saka Tagalog fictions? ay, sus, kainaman… may kuya ako dati, very creative sa pagguhit-guhit at may istorya pa lagi, parang ganyan ang mga kwento nya – kamukha ng likha nina duking, kulisap at mo, hehe. parang harking back to the past ang theme usually tapos, payapa ang pamumuhay, unsullied pa ang pagpapahalaga ng mga tao at very ideal ang situations portrayed, ayon… ^^

        but i like your prose, parating mabini ang hagod ng mga salita at hindi halos makita ang mga pinagtahian… i want to be able to read one of your works sanang may pagka-present social commentary. the closest to this i’ve read so far, ‘yong gumawa kayo ng paper about street children na nagmumura? ayon… cheers and kind regards to you and dear ones. 😉

  2. Ang sarap ipabasa at ibahagi sa lahat ang kwento ni Berting at ni Lea at ang mga nangyari sa Sta.Barbara.

    Salamat sa SBA. Ang mga ganitong akda ay tunay na kahangahanga, karapatdapat bigyan ng pagkilala ang akda. Mabuhay ka, Mabuhay ang mga manunulat na Pilipino.

    Goodluck sa patimpalak.

  3. Ano pa nga bang masasabi ko?? haha..
    Inaabangan ko talaga ang iyong entry at hindi ako nabigo .
    Ang temang lakbay ay nabigyan mo ng buhay ; Ang kwentong iyong nilikha ay binigyan mo ng kakaibang kulay. Ikaw na 🙂

  4. mahusay ang pagkakahabi ng mga karanasan para sa akdang ito, karaniwang mula sa mga napapanood, nabababasa at naikwekwento, na nagreresulta sa pagkasapo ng katulad na karanasan rin ng mga mambabasa, pasintabi sa istilo ni Bob Ong, minus lang ang pagpapatawa, katamtaman lang, hindi masyadong mabigat, hindi rin ganoon kagaan, ganoon pa man nairaos ngunit hinahanapan ko lang po ng kaunting sagot sa mga tanong na para saan at para kanino.salamat!

Mag-iwan ng tugon sa lipadlaya Pindutin ito para bawiin ang tugon.